
...minsan ko nang naranasan ang "maupo" sa teacher's desk... mula sa lugar na iyon, nakita ko kung paano mabuhay na isang guro....
...ni sa hinagap, di ko inasahan na mararanasan ko ang makapagturo at maging kabahagi ng buhay ng mga batang naniwala sa akin... mula sa aking pagkakaupo sa teacher's desk, naunawaan ko ang kalagayan ng aking mga naging guro... hindi madali ang maupo sa lugar na iyon... kaakibat ng pagupo mo na iyon ay ang tungkulin mo na pangalagaan ang yong pangalan upang ikaw ay igalang at pakinggan... isang malaking hamon araw-araw na makapagbahagi ka ng kaalaman... ang bawat araw ay isang pakikipagtunggali sa kamangmangan... mahirap, masaya at marangal ang isang buhay ng guro... nasa iyo ang tinig na pinapakinggan at nasa iyo ang pagkakataon na umukit ng isang kinabukasan ng mga kabataan na nagpupumilit na makabuo ng isang bukas na may liwanag...
...ang apat na taon ko na ginugol sa larangan ng pagtuturo, di lamang ang mga batang nakadaupang palad ko ang natuto sa akin, bagkus ako ma'y maraming natutunan sa kanila, nasalamin ko ang aking sarili sa kanilang buhay... ang kanilang kwento ay naging kwento ko... ang kanilang mga munting pangarap ay naging hamon sa akin, ang kanilang mga ngiti ay naging munting kasiyahan sa akin... naging bahagi ako ng buhay nila at naging bahagi sila ng aking puso...
...binago ng mga batang iyon ang aking pananaw... masasabi kong mas marami akong natutunan sa kanila... sa kanilang mga simpleng buhay at pangarap, natutunan ko ang pagmamahal, pagkakaibigan, pagpapatawad at pagtanaw sa mas maliwanag na bahagi ng buhay... sa kanilang mga munting mithiin natutunan kong mangarap at maniwala na kaya kong abutin ang mga ninanais ko... minsan, naging estudyante ako, naging guro, at kasabay nun, naging estudyante ulit ako, ngunit sa pagkakataon na iyon, karanasan na mula sa pakikibahagi ko sa buhay ng mga bata ang naging guro ko... masalimuot ngunit madaling matutunan ang mga aralin sa pagkakataong iyon... at ng lisanin ko na ang apat na sulok ng silid-aralan bilang isang guro, matatag na ako, dahil alam ko, may naibahagi ako, may mga buhay na akong naiukit ng pangarap at may mga pangarap na ako para sa aking sarili... mumunti ngunit kapag natupad isang malaking pagbabago sa aking buhay...